-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nahaharap na sa kasong double murder ang barangay kapitan sa Bukidnon.

Ito’y matapos lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na umano’y mayroong partisipasyon si Dominirog Barangay Kapitan Judith Ocum sa pagpatay kina Kagawad Mauricio Guinto at Lorenzo Pedyaan sa bisinidad ng kanilang barangay session hall sa Talakag, Bukidnon noong umaga ng Enero 20, 2020.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Talakag Police Station commander Capt. Dominador Orate Jr., na batay sa hawak nila na “circumstantial evidence,” ay nagkaroon daw ng partisipasyon si Ocum kung bakit binaril ng dalawang armadong lalaki ang mga biktima.

Inihayag ni Orate na bago pa nangyari ang krimen ay nakita ng mga testigo ang barangay kapitan na kausap ang mga salarin.

Dagdag ng opisyal na dati na umanong binantaan ni Ocum si Guinto na papatayin kahit nasa harap pa ng kanilang barangay assembly kaya ito isinali sa kaso.

Kabilang pa sa kinasuhan ang mag-asawang barangay treasurer na si Angelie Bercede at barangay driver Jonas Bercede, “sec” Rogeline Camasere, at maging mga triggermen na sina Montano Samron at alyas Teng.

Una rito, iginiit ni Ocum na wala itong kinalaman sa krimen at itinuro ang grupo ng mga bandido na nakipag-alyansa raw sa New People’s Army at silang pumatay sa mga biktima dahil sa land dispute.