-- Advertisements --

CEBU CITY — Hinahanap ngayon ng pulisya ang isang active na barangay councilor matapos umanong iniwan sa ere ang kalaguyo nitong isang guro nang nahuli sa akto ang kanilang pagmamahalan sa loob ng lodge sa Pinamungajan, Cebu.

Kinilala ang “at large” na barangay councilor na si “Ben” na kasalukuyang nanunungkulan sa lungsod ng Toledo, habang nahuli naman ang elementary teacher na si “Jona.”

Una nito, isinalaysay ni Police Corporal John Vincent Balicoco ng Pinamungahan PNP na sumugod agad ang mga kasamahan nito sa isang lodge matapos makatanggap ng sumbong mula sa asawa ng konsehal.

Aniya, natunton ng asawa ni Ben ang kinaroroonan ng kanilang maaksyon at mainit na pagmamahalan kasama ang “lover” nitong si Jona.

Nang rumesponde ang mga pulis sa kwartong tinutuluyan ng dalawa, pareho silang nawala at napag-alamang tumakas ang barangay councilor.

Nakarinig naman kinalaunan ang isang malakas na kalabog mula sa kabilang kwarto at biglang tumambad sa kanila ang nahulog na air conditioning unit mula sa kisame.

Dagdag pa ni Balicoco na dumaan pala sa kisame ang gurong si Jona ngunit hindi na ito nakatakas matapos itong ma-corner ng mga pulis.

Nasa detention cell ng Pinamungajan Police Station ang guro at nahaharap sa kasong concubinage at malicious mischief at ganun din ang haharapin ng konsehal sa panahong mahuli ito.

Nagbabala naman si Department of Education (DepED)-7 regional director Dr. Salustiano Jimenez na mawawalan ng lisensya ang nasabing guro dahil sa diumanoy “immorality” na pinakita sa mga estudyante.