-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kahilingan ng mga jeepneys drivers na dagdag na pisong taas ng pamasahe.

Gayunman ang fare hike ay para lamang sa mga jeepneys na bumabiyahe sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa simula sa darating na Huwebes.

Dahil dito nasa P10 na minimum fare na ang sisingilin mula sa kasalukuyang P9 sa mga nabanggit na lugar.

Sa desisyon na ibinababa ng Board ng LTFRB, ang provisional P1 fare hike ay para sa unang apat na kilometro, habang wala ng sisingilin na taas sa mga susunod na kilometro.

PUJ jeepneys rally

Nag-abiso rin naman ang LTFRB sa mga public utility jeepneys sa naturang mga rehiyon na dapat maglagay sila ng “notice of provisional fare increase” sa loob ng mga sasakyan.

Ang pagsang-ayon ng LTFRB sa taas pasahe ay kasunod na rin ng walang humpay na oil price increase.

Ang naturang taas sa pasahe ay una nang ibinasura ng Board noong buwan ng Abril pero naghain ng motion for reconsideration ang mga petitioners na transport groups.

Noong taong 2018 meron na ring pinagbigyan na P10 na minimum fare nang umakyat sa P40 kada litro ang krudo pero muling ibinalik sa P9 ang pamasahe makalipas ang ilang buwan dahil sa pagbaba rin ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Pero sa ngayon ay doble na ang itinaas sa presyuhan ng krudo, kaya patuloy na inihihirit ng ilang transport group na dagdag na pasahe.

Mula noong buwan ng Enero ng taong kasalukuyan nasa kabuuang halos P58 na ang itinaas ng krudo hanggang nitong linggo.

Habang sa gasolina naman ay mahigit na sa P38 ang oil price increase sa loob ng halos limang buwan.

Samantala, ang LTFRB ay muling magsasagawa ng final hearing bago matapos ang buwan na ito kaugnay naman sa isang hiwalay na petition na humihiling ng P6 na dagdag na pasahe.