-- Advertisements --

Tinanggal sa puwesto ng 186 na kongresista si Speaker Alan Peter Cayetano bilang lider ng Kamara para ipalit sa puwesto si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Lord Allan Velasco
Lord Allan Velasco

Naganap ito sa maskasaysayang sesyon sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City kaninang umaga, na inorganisa mismo ng mga kaalyado ni Velasco.

Nangyari ang naturang sesyon, isang araw bago ang special session na pinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte para talakayin at aprubahan ng Kamara ang 2021 proposed P4.5-trillion national budget.

Ito ay nangyari rin dalawang araw bago naman ang inaasahang change of leadership sa Kamara sa Oktubre 14 base na rin sa term-sharing agreement na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagitan nina Cayetano at Velasco.

Ang coup d’etat na ito ay natuloy matapos na maagang ipasuspinde ang sesyon ng Kamara noong nakalipas na linggo habang nasa kalagitnaan ng debate sa panukalang P4.5T 2021 national budget.

Samantala, agad namang nanumpa si Velasco bilang bagong Speaker ng Kamara kay Kapitan Allan Franza ng Barangay Matandang Balara, Quezon City.

Sa kanyang naging talumpati, nangako itong tutuparin ang mga pangakong kanyang binitawan at tiniyak din kay Pangulong Duterte na agad na pagtitibayin ang P4.5-trillion proposed 2021 national budget.

Labis naman ang pasasalamat ni Velasco sa suporta sa kanya ni Pangulong Duterte at mga anak nito na si Davao City Rep. Paolo Duterte at Mayor Sara Duterte.

Nagpahayag din ng kanyang pasasalamat si Velsco kay Sen. Bong Go pati na rin sa mga partido at blocs sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Sa huli, hinikayat niya ang kampo ni Cayetano na makipagtulungan sa kanila para makamit ang smooth transition