CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Herman Villar Estrellanes, 54, may asawa, magsasaka at residente ng Brgy Bagumba, Midsayap, Cotabato.

-- Advertisement --

Ayon kay Midsayap chief of police, Lt Col John Miridel Calinga na bibili lamang ng mantika ang biktima at sakay ng kanyang motorsiklo nang ito ay pagbabarilin ng riding in tandem suspects gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay din ng motorsiklo patungong Northern Kabuntalan, Maguindanao.

Naisugod pa ang biktima sa isang pagamutan sa bayan ng Midsayap ngunit agad inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato ngunit dineklara ng mga doktor na dead on arrival.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa tiyan ang biktima na tumagos sa kanyang likod dahilan nang agaran nitong kamatayan.

Sa ngayon ay may mga person of interest nang iniimbestigahan ang Midsayap PNP sa pamamaril sa biktima.