KALIBO, Aklan – Malaki ang pasasalamat ng Provincial Inter-Agency Task Force (IATF) at Malay Tourism Office matapos ang umano’y pagtugon ng pamahalaan sa kanilang apela na ipanatili sa general community quarantine (GCQ) ang quarantine classification ng Aklan.
Ayon kay Malay Tourism Officer Felix delos Santos, may posibilidad na isara muli ang isla ng Boracay sakaling isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang probinsiya para mapababa ang kaso ng COVID-19.
Nabatid na inirekomenda ng National IATF na maisailalim sa MECQ ang Aklan mula July 16 hanggang 31.
Dagdag pa ni Delos Santos na may negatibong epekto sa isla sakaling muling magkaroon ng closure lalo na sa mga negosyante, manggagawa at mga residente na unti-unti nang nakakabawi sa kasalukuyan dahil sa pagbuhos ng mga turista na karamihan ay nagmula sa National Capital Region (NCR).
Simula Hulyo 1 hanggang 12 ay umaabot na sa 13,820 ang mga bisita sa isla, kung saan target nila ang 30,000 na turista sa pagtapos ng kasalukuyang buwan.
Noong buwan ng Hunyo, naitala ang pinakamataas na tourist arrivals na 26,354 sa panahon ng pandemya.