-- Advertisements --

Nagdeklara ng dengue outbreak ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bohol matapos lumampas sa epidemic threshold ang mga kaso sa loob ng tatlong magkakasunod na linggo.

Batay sa Executive Order No. 40 na nilagdaan ni Gov. Aris Aumentado noong Agosto 25, umabot sa 1,863 ang kaso at 21 ang nasawi mula Enero 4 hanggang Agosto 22, 2026.

Kaugnay nito, inatasan ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang 4S Strategy, magsagawa ng search and destroy laban sa mga breeding site ng lamok, at palakasin dengue response kabilang ang pagtatatag ng Dengue Fast Lanes.

Batay pa sa datos na inilabas ng mga local health officials, nangungunang may pinakamataas na kaso ang Talibon, Tagbilaran City, Ubay, Getafe, Tubigon, Inabanga, Trinidad, Dauis, Mabini, Candijay, at Jagna.

Nangunguna namang mga lugar na may naitalang namatay ang Talibon, Tubigon, Getafe at Ubay.

Samantala, sa pagtatanong ng Star Fm Cebu kay Provincial Health Officer Dr. Fruserma Mary Uy, sinabi nitong bagama’t halos kapareho lamang ng bilang noong nakaraang taon ang mga naitalang kaso, nakababahala ang biglaang pagtaas o spike ng mga kaso ngayong taon.

Ayon kay Uy, binigyang-pansin din ang case fatality rate, dahil mula sa limang nasawi noong 2025 ay umabot na sa 21 ang namatay ngayong taon, na may higit 1.17% case fatality rate.

Dahil dito, umaasa siyang hindi na ito tataas pa kasabay ng mas pinaigting pa na mga hakbang upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso at pagkamatay.