CENTRAL MINDANAO-Pinangunahan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza kasama ang ilang opisyales ng pamahalaang panlalawigan ang blessing and inauguration ng P14.7M na Provincial Veterinary Quarantine Services Center sa Brgy. Old Bulatukan, Makilala, Cotabato.
Ang quarantine facility ay pinondohan sa ilalim ng pamumuno ni Governor Mendoza noong 2018 kung saan malaki ang maitutulong nito upang maiwasan ang pagkalat ng mga nakakahawang sakit sa mga farm animals na lubhang makakaapekto sa sektor ng agrikultura sa lalawigan.
Bilang preventive measure.
Lahat ng mga indibidwal at sasakyang papasok sa provincial borders ay kailangan ng dumaan sa foot bath na inihanda ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVet) upang maiwasan ang pagpasok ng mga nakakahawang sakit sa hayop gaya ng African Swine Fever (ASF).
Ikinatuwa naman ni Bureau of Animal Industry (BAI) XII Regional Veterinary Quarantine Officer Dr. Castor Leo A. Ejercito ang pagpapatayo ng nasabing istruktura na ayon sa kanya ay pinakauna, nag-iisa at pinakamalaking veterinary quarantine facility sa buong Rehiyon XII.
Nagpasalamat naman si Governor Mendoza kay dating Boardmember Loreto Cabaya sa pagsisikap nitong maisakatuparan ang proyekto noong naninilbihan pa ito sa probinsya.
Pinasalamatan rin nito ang ibinigay na disinfection truck ng BAI XII na malaki ang maitutulong sa operasyon ng pasilidad.
Nakiisa rin sa aktibidad sina 3rd District Representative Samantha Santos, 3rd District Board Member Jonathan Tabara, PARCCOM Member Dr. Carlota Sandique, Kabacan Municipal Mayor Evangeline Guzman, Magpet Municipal Mayor Jay Lawrence Gonzaga, Aleosan Municipal Mayor Eduardo Cabaya, President Roxas Municipal Mayor Jonathan Mahimpit, Matalam Vice-Mayor Ralph Ryan Rafael, mga representante mula sa academe at iba pang mga ahensya.