-- Advertisements --
image 30

Muling hinimok ni Senador Win Gatchalian ang mga punong-guro at mga school heads na magpatupad ng blended learning sa kabila ng napakainit na panahon.

Iniulat kamakailan ng Department of Education (DepEd) na nagpapatupad na ang ilang mga paaralan ng blended learning sa gitna ng napakainit na panahon, kung saan isinasagawa ang face-to-face classes sa mga oras na may mas maginhawa at komportableng temperatura at sinasabayan din ng pagtuturo gamit ang alternative learning delivery modes.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 037 s. 2022, kailangang ipatupad ang modular distance learning, performance tasks, projects, o make up classes kasunod ng pagkansela o pagsuspinde ng mga klase.

Ito ay upang matiyak na nagpapatuloy pa rin ang pagkatuto ng mga mag-aaral.

Bago ang School Year 2020-2021 noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, ang bakasyon ay Abril hanggang Mayo.

Bagama’t aminado ang senador na matatagalan pa bago bumalik sa dating schedule ng school calendar, binigyang diin niya ang mga benepisyo sa pagbabalik sa nakagawiang schedule ng bakasyon.

Aniya, pagkakataon para sa mga mag-aaral na makasama ang kanilang mga pamilya tuwing tag-init kung saan madalas isinasasagawa ang mga family outing.

Ani Gatchalian, kung maibabalik sa dating schedule ng summer break, magiging mas maayos ang paghahanda para sa eleksyon dahil wala ang mga mag-aaral sa paaralan.