-- Advertisements --

Hinimok ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang mga botanteng Pilipino na wakasan na ang political dynasties sa bansa sa 2022 national at local elections.

Iginiit ni Pabillo na sa kasalukuyan ay buhay na buhay pa rin sa bansa ang political dynasties, at ito ay maituturing na “unconstitutional.”

“Sa ngayon dahil wala pang batas laban sa political dynasties, nandyan pa rin ang mga political dynasties at ginagamit pa nila ang resources ng pamahalaan para sa pangangampanya at para sa kanilang mga pamilya,” ani Pabillo.

Dapat aniya ay maging kritikal ang mga botante sa pagpili ng kanilang susunod na lider.

“Huwag natin sabihin na sila lang ang may alam sa governance dahil hindi iyan nanggagaling sa genes. Hindi iyan nanggagaling sa inheritance. Iyan ay sa galing ng tao,” dagdag pa nito.

Naniniwala si Pabillo na lalo lamang hindi magkakaroon ng accountability sa oras na magpatuloy lamang ang political dynasties sa bansa.

Hindi rin aniya bubuti ang political climate sa Pilipinas kung walang mangyayaring pagbabago rito.