Inanunsyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagsimula na itong mangolekta ng Quarterly Royalty mula sa mga large-scale metallic mining contractors at operators alinsunod sa Republic Act No. 12253 o ang Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining Act.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, makikinabang ang mga kumpanya sa paggamit ng yamang-mineral ng bansa kaya’t nararapat lamang na makolekta ng pamahalaan ang karampatang royalty.
Dagdag pa niya, ang mga nakokolektang royalty ay makatutulong upang matiyak na ang kita mula sa pagmimina ay nakasuporta rin sa mga serbisyong panlipunan at pambansang kaunlaran.
Upang gabayan ang mga mining companies sa bagong obligasyon, naglabas ang BIR ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 58-2026 na nagtatakda ng mga pamamaraan para sa filing at pagbabayad ng Quarterly Royalty habang inaayos pa ang dedicated return at electronic filing system.
Inaatasan ang mga mining contractors at operators na magsumite at magbayad ng kaukulang royalty sa loob ng 60 araw matapos ang pagtatapos ng bawat calendar o fiscal quarter.
Nakasaad din sa circular na dapat magsagawa ng hiwalay na filing at payment para sa bawat Mineral Agreement, Financial o Technical Assistance Agreement (FTAA), at operating agreement, alinsunod sa ring-fencing provisions ng batas.
Nagpaalala ang BIR sa lahat ng apektadong kumpanya na sumunod sa itinakdang proseso at deadline upang matiyak ang tamang monitoring at compliance sa bagong patakaran.
















