-- Advertisements --

Sinampahan ng patong-patong na reklamong libel at cyber libel si Special Envoy for Republic Diplomacy to China at kolumnistang si Ramon Tulfo dahil sa serye ng umano’y malisyoso at mapanirang kolum nito sa Manila Times laban sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa mga opisyal nito.

Ang reklamo ay isinampa ni BIR Commissioner Caesar Dulay laban kay Tulfo sa Quezon City Prosecutors Office.

Kasama rin sa kinasuhan ni Dulay sina Manila Times President at CEO Dante Ang II, mga editors na sina Rene Bas, Blanca Mercado, Nerilyn Tenorio, Leena Chua, Arnold Belleza at Lynette Luna.

Nais din ni Dulay na magbayad ng P20 million ang mga respondents para sa moral damages na ido-donate naman sa Ang Arko ng Pilipinas na grupong nangangalaga sa mga mentally-handicapped children.

Iginiit ni Dulay sa reklamo nitong walang katotohanan at batayan ang isinulat ni Tulfo sa kolum nito na nagsasabing laganap ang korapsiyon sa BIR sa ilalim ng liderato ni Dulay at may itinatago umano ang komisyoner.

Hindi lang aniya ipinalabas ni Tulfo na siya ay kurap at magnanakaw kundi kriminal dahil sa paratang na bilyon-bilyong piso na transaksiyon sa Mighty Cigarettes Corporation at Del Monte Corporation.

Bukod sa paglathala sa pahayagan, na-publish din ang kolum ni Tulfo sa website at media accounts ng Manila Times.

Maliban dito, ipinost pa raw sa Facebook account ni Tulfo ang kolum nito at maging ang umano’y recording ng illegal video conversation ng dalawang BIR officials na ginawang source sa artikulo nito.

Patunay lang aniya nito na may malisya hindi lang kay Tulfo kundi maging ang publisher at editors ng pahayagan para siya ay siraan.