-- Advertisements --

Dumepensa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos punahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mabagal umanong proseso at serbisyo nito sa mga nagbabayad ng buwis.

Ayon kay BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa, binawasan na nila ang requirements ng mga nagpaparehistro para sa kanilang negosyo.

Mula raw kasi 13 dokumento ay naging apat na lang sa ilalim ng Ease of Doing Buisiness Program.

Hindi lamang sa central office ng BIR ganito ang sistema dahil sa nationwide daw ay nag-set up ang ahensya ng unified section kung saan makakapag-proseso ang mga aplikante ng kanilang registration requirements.

Katunayan, plano pa raw ilunsad ng ahensya sa susunod na taon ang online registration at iba pang procedure.

Inamin ni Guballa na may mga opisyal na silang napatawan ng kaso matapos mabigo sa kanilang trabaho.

Pero nilinaw nito na sinimulan na ng BIR ang pagtugon sa hamon ng gobyerno na pabilisin ang proseso ng aplikasyon ng mga Pilipinong nais mag-negosyo.

Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), pinagsabihan ni Duterte ang NBI at iba pang ahensya dahil sa mabagal umanong serbisyo ng mga ito.

Pinayuhan pa nito ang publiko na sampalin ang mga opisyal o kawani na magtatangkang maningil ng suhol kapalit ng proseso sa mga dokumento.