-- Advertisements --

NAGA CITY- Umakyat na sa lima ang mga binawian ng buhay sa Bicol Region dahil kay Bagyong Ulysses.

Sa datos mula sa Office of Civil Defense (OCD)-Bicol, napag-alaman na sa nasabing mga bilang apat dito ang mula sa Camarines Norte habang isa naman ang naitala sa Camarines Sur.

Kung maaalala una nang kinilala ang mga binawian ng buhay sa lalawigan ng Camarines Norte na sina Avelino Cabanela at Salva Mangubat habang kinilala naman ang dalawang naidagdag sa mga namatay na sina Federico Taroza, 47-anyos at isang 4 na taong gulang na batang lalaki mula sa Labo sa nasabing lalawigan.

Nabatid na ang pagkamatay ni Taroza ay dahil sa naitalang pagguho ng lupa habang ang bata naman ay namatay dahil sa pagkalunod.

Kaugnay nito, isa naman ang naitalang casualty sa lalawigan ng Camarines Sur matapos umanong mahulog at malunod sa rumaragasang tubig baha nang tangkaing iligtas ang alaga nitong kambing sa kasagsagan ni bagyong Ulysses.

Ayon pa dito, natagpuan na lamang ang katawan ng biktima na kinilalang si Johnny Miraña, sa karagatang sakop ng bayan ng San Jose, Camarines Sur na wala ng buhay.

Sa ngayon, ang naturang pangyayari pa lamang ang naitatalang casualty sa nasabing lalawigan kaugnay ng naging pananalasa ni bagyong Ulysses.

Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.