NAGA CITY- Patay na ng matagpuan ang katawan ng isang 19-anyos na binata matapos pagsasaksakin sa Quezon.
Kinilala ang biktima na si Michael Torres Uy, construction worker, residente ng Purok Maligaya, Brgy Ibabang Iyam, Lucena City.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na matapos ang inuman ay magkasamang umalis ang biktima at ang suspek na kinilalang si Ambal Baldovino, 25-anyos, residente rin ng nasabing lugar at dumaan pa sa isang sari-sari store ng bigla na lamang ang mga itong magkaroon ng mainit na argumento.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na dahil sa diskusyon, bigla na lamang pinagsasaksak ni Baldovino si Uy.
Ayon pa dito, nakaganti naman ang biktima at nasaksak din nito ang suspek sa leeg dahilan para magkaroon ito ng pagkakataon na makatakas si Uy.
Ngunit natagpuan na lamang na wala nang buhay si Uy na mayroong mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ilang metro sa pinagyarihan ng insidente.
Samantala, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspk habang inihahanda ang kasong isasampa laban dito.