-- Advertisements --
image 751

Gumagastos umano ang China ng bilyun-bilyong pera kada taon para magpakalat ng maling impormasyon sa iba’t ibang panig ng mundo at nagbabanta para supilin ang freedom of speech. Ito ang ibinabala sa inilabas na report ng US State Department na Global Engagement Center.

Sa naturang report, sinabi ng ahensiya na hindi lamang simpleng usapin ng public diplomacy ang manipulasyon ng impormasyon sa buong mundo kundi isang hamon din ito sa integridad ng pandaigdigang information space.

Ginagawa umano ito ng China sa pamamagitan ng paggamit ng propaganda, disinformation at censorship habang prinopromote ang positibong mga balita kaugnay sa kanilang bansa at ruling Communist Party nito.

Gayundin, hinaharang ng China ang mahahalagang impormasyong taliwas sa mga narratives nito sa mga isyu gaya ng Taiwan, karapatang pantao at tumatamlay na domestic economy nito.

Inakusahan din sa naturang report ang China ng pag-exploit sa social media site na WeChat para magpakalat ng maling impormasyon target ang mga Chinese-language speakers na nakatira sa mga democratic countries at Chinese technology giant na ByteDance, may-ari ng Tiktok, para i-block ang mga posibleng kritiko ng China mula sa paggamit ng naturang mga platform.

Ang report ay inilabas kasunod ng pahayag ni US Secretary of State Antony Blinken noong Huwebes na tinatarget ng China na ungusan ang Estados Unidos bilang pinakamakapangyarihan sa buong mundo pagdating sa militar at ekonomiya.