
Palalalimin pa ng Pilipinas at Amerika ang bilateral cooperations nito para sa pagsuporta sa defense capability needs ng ating bansa,
Ito ang inihayag ni National Defense Secretary Carlito Galvez Jr. sa kaniyang opening statement matapos ang naging pagpupulong nila ni United States Defense Secretary Lloyd Austin III sa pagbisita nito sa tanggapan ng Department of National Defense sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Ayon kay Galvez, ang naging pagpupulong aniya nila ni Austin ay hakbang para sa mas pagpapatibay pa sa collaborative efforts ng Pilipinas at Amerika pagdating sa pagtugon nito sa banta sa seguridad at mga kalamidad na dulot ng climate change na parehong kasalukuyang nararanasan ngayon ng ating bansa.
Bukod dito ay sinabi rin ng kalihim ang patuloy na pagpaplano ng dalawang bansa na magsagawa ng mga high impact at high value activities sa pamamagitan ng PH-US Mutual Defense Board-Security Engagements Board (MDB-SEB), at iba pang Philippine-US Cooperative Mechanisms.
Kung maaalala, una rito ay tiniyak na rin ng US official kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na handang tumulong ang Amerika para sa pagpapalakas ng defense capability ng Pilipinas.
Ang pagbisita niya na ito sa ating bansa ay bahagi ng kaniyang paglibot sa mga bansa sa Asya na layuning patatagain pa ang alyansa ng Estados Unidos sa mga bansang kaalyado nito.










