-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Umabot sa kabuuang 150,597 ang tourist arrivals sa Isla ng Boracay mula Marso 1 hanggang 31, ayon sa Malay Tourism Office.

Sinabi ni Chief Tourism Operations Officer Felix delos Santos, sa nasabing bilang, 146,440 ang domestic tourists, 1,624 ang returning Filipinos at overseas Filipino workers (OFW) at 2,533 ang dayuhan.

Halos dumoble ang nasabing bilang sa naitalang bisita noong Pebrero na umabot lamang sa 80,882.

Simula aniya na niluwagan ang restrictions sa isla at buksan ang borders ng Pilipinas para sa mga foreigners noong Pebrero 10, nakapagtala sila ng 4,000 hanggang 6,000 na turista bawat araw.

Malayo pa umano ito sa itinakdang carrying capacity na 19,000 per day.

Samantala, kumpiyansa ang MTO sa lalo pang pag-unlad ng turismo sa Boracay lalo na sa long week-end sa paggunita ng Semana Santa.

Mula Abril 1 ay welcome na rin ang mga foreign tourist mula sa visa countries.

Kasabay ng inaasahang pagbuhos ng mga bisita, sinabi ni delos Santos na may nakalatag na silang contingency measures upang masiguro ang peace and order at pagsunod sa health and safety protocols.

Halos bukas na ang lahat ng mga establisimento sa Boracay maliban sa disco bars.