Umabot na sa 282,938 sa pitong rehiyon sa bansa ang mga pamilyang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng shear line at low pressure area.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ang 282,938 pamilyang ito ay katumbas ng 1,133,093 indibidwal na naninirahan sa 1,471 barangay sa Calabarzon, Mimaropa, Regions 5 (Bicol), 6 (Western Visayas), 8 (Eastern Visayas), 10 (Northern Mindanao), at Caraga.
17,746 pamilya o 48,720 indibidwal ang tinutulungan sa 162 evacuation centers habang 9,357 pamilya o 32,699 katao ang tinutulungan na nananatili sa kanilang tahanan.
Nauna nang sinabi ng Office of Civil Defense na kabilang sa mga apektadong pamilya ang mga lumikas at mga hindi nangangailangan ng paglipat o pagpapaalis sa kanilang tirahan.
Sinabi rin ng NDRRMC na mayroong dalawang napaulat na nasawi na patuloy pa ring bineberipika sa ngayon at ito ay naitala sa Eastern Visayas.
Isa ang kumpirmadong sugatan at ito ay naiulat sa Easter Visayas habang isang tao ang naiulat na nawawala at sumasailalim sa validation sa Bicol region.
Una na rito, patuloy pa rin ang isinsagawang monitoring ng mga ahensya ng gobyerno upang magpaabot ng tulong sa mga apektadong residente.