-- Advertisements --

Iniulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na mas nadagdagan pa ang bilang ng mga kababayan nating nangingisda sa Bajo de Masinloc shoal.

Ito ay kasunod ng pinakahuling rotational deployment ng naturang ahensya sa naturang pinag-aagawang teritoryo upang maghatid ng supply ng pagkain at langis sa mga Pilipinong mangingisda.

Ayon kay BFAR Spokesperson Nazareo Briguera, sa ngayon ay aabot na sa 44 na mga Pilipinong mangingisda ang kanilang na-monitor sa Scarborough shoal mula sa 21 mga mangingisda na una nilang naitala.

Ang balitang ito ay itinuturing ng ahensya na isang magandang senyales sapagkat nangangahulugan lamang aniya itong nagiging epektibo ang ginagawang mga hakbang ng pamahalaan para tugunan ang mga isyu sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Samantala, ang naturang mga mangingisda ay matagumpay namang nahatiran ng suplay ng nasa 44,900 liters ng diesel, 217 liters ng inuming tubig, at 20 gallon ng fresh water.

Kung maaalala, una nang napaulat na muling nagsagawa ng shadowing at block ang mga barko ng China laban sa mga ng BFAR sa kasagsagan ng ginawa nitong misyon sa Bajo de Masinloc shoal.

Dito ay muling naglagay ng floating barrier ang CCG upang tangkaing pigilan ang pagpasok ng naturang BFAR vessel sa lugar.

Batay sa inilabas na video ng Philippine Coast Guard, makikita na nagmaniobra pa ng paatras ang CCG vessel para lang harangan ang barko ng Pilipinas.

Dahil dito ay nagsagawa na ng radio challenge ang Pilipinas laban dito ngunit nagdeploy naman ng helicopter ang Chinese Navy ng isang helicopter mula sa kanilang warship upang bantayan ang galaw ng BFAR vessel at mga Pilipinong mangingisda sa lugar.

Ngunit bilang tugon naman ay nagdeploy din ang BFAR ng Cessna plane para naman i-monitor ang umano’y panghaharrass na ginagawa ng China Coast Guard.

Matatandaan din na nitong buwan ng Pebrero inanunsyo ng pamahalaan ang regular na pagsasagawa ng BFAR-PCG rotational deployment sa Bajo de Masinloc shoal matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mas pagpapaigtung pa sa presensya ng mga barko ng Pilipinas sa naturang pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)