-- Advertisements --

Umakyat na sa 253 overseas Filipino workers (OFWs) ang humiling na ma-repatriate sa gitna ng nagpapatuloy na palitan ng pag-atake sa pagitan ng Israel at Iran.

Sa ikasampung araw ng Operation Rising Lion, June 22, iniulat ng Philippine Embassy sa Tel Aviv na mula sa naturang bilang ng repatriation requests, nasa 50 pa na OFWs ang kumpirmadong sunod na batch ng marerepatriate pauwi ng Pilipinas.

Una rito, nasa 25 na OFWs ang narepatriate habang 100 naman ang mga turista at estudyante na nakauwi na sa bansa.

Samantala, ayon din sa embahada nananatili pa rin na nasa kritikal na kondisyon ang isang Pinay worker na nakatakdang muling sumailalim sa procedure. Kasalukuyang naka-confine sa ICU ng Shamir Medical Center ang Pinay.

Pumalo na rin sa 127 Pilipino ang nawalan ng tirahan dahil sa tumamang missile ng Iran. Nailipat naman na ang 118 sa temporary housing accommodations at 9 ang prinoproseso pa para sa kanilang resettlement.

Naabutan naman na ng embahada ng tulong ang nasa 375 nating kababayan na nakatanggap ng emergency financial assistance, temporary shelter, relief packages na naglalaman ng pagkain, mga damit at hygiene products.

Samantala, patuloy pa rin na hinihimok ang mga Pilipinong nasa Israel na boluntaryong magpa-repatriate sa ilalim ng Alert Level 3, mangyari lamang dumulog sa embahada upang makapag-avail ng programa.