Naitala ang pataas ng bilang ng mga naibentang sasakyan sa buong bansa sa unang walong buwan ng taon.
Batay sa datos ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, (CAMPI) at Truck Manufacturers Association (TMA), umangat ng hanggang sa 29.8% ang naibentang sasakyan simula Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon.
Ito ay katumbas ng 276,215 units, habang ang naibenta lamang sa kaparehong period noong nakalipas na taon ay hanggang 212,872 units.
Ayon kay CAMPI President Rommel Gutierrez, ang naitalang bentahan ng sasakyan sa kabuuan ng 2023 ay katumbas na ng 70% ng kabuuang 395,000 units na naibenta para sa taong ito.
Nangangahulugan ito aniya na lalo pang tumataas ang paglago ng ekonomiya ng pamahalaan, mula sa malaking pagkalugi nito sa kabuuan ng pandemya.
Mataas din aniya ang demand sa mga sasakyan sa kabuuan ng taon, sa likod ng malaking hamon sa inflation o bilis ng paggalaw sa presyo ng iba pang mga bilihin.
Naitala ang mataas na bilang ng mga biniling sasakyan mula sa mga passenger car na umangat ng hanggang 35.3% habang ang mga commercial car ay umangat ng hanggang 28%.
Ngayong taon ay inaasahang aabot ng hanggang 395,000 units ang maibebentang sasakyan.