-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Lalo pang nadagdagan ang mga gumaling na COVID-19 patients sa lunsod ng Baguio.

Nakalabas mula sa Baguio General Hospital & Medical Center (BGHMC) si Rafael Serrano, 59-anyos, isang expatriate mula New York City.

Nag-umpisa itong ma-confine sa BGHMC noong Marso 17 dahil sa mga naranasan nitong sintomas ng COVID 19.

Emosyonal na nagpasalamat si Serrano sa mga staff ng BGHMC na tumulong sa kanyang pagpapagaling.

Aniya, inakala niyang wala na siyang pag-asa nang nalaman niyang positibo siya sa COVID 19 ngunit may nasilayan itong pag-asa sa pamamagitan ng tulong ng BGHMC.

Pinayuhan nito ang mga nakakaranas ng sintomas ng COVID-19 upang huwag silang mag-alinlangang magpa-check-up.

Tiniyak naman ni Czarina Mendoza, IDB Nurse Supervisor ng BGHMC na palaging kasama si Serrano sa mga panalangin ng mga staff ng ospital.

Maaalalang noong nakaraang linggo ay nakalabas din mula sa BGHMC si Mae Ann Cachero, 22-anyos, nurse at residente ng La Trinidad, Benguet.

Si Cachero ang pinakabatang frontliner sa lunsod ng Baguio na nagpositibo sa COVID 19.

Maliban dyan, nakalabas din mula sa Pines City Doctors’ Hospital ang ngayo’y 25-day old na sanggol pagkatapos nitong gumaling mula sa COVID-19.

Maaalalang 8-day old lamang ang sanggol noong nagpositibo ito sa COVID-19.

Nananatiling 30 ang kaso ng COVID-19 sa Baguio City kung saan, 19 na ang gumaling, 10 ang nagpapagaling pa at isa ang nasawi.