-- Advertisements --

Naniniwala ang isang medical expert na posibleng tumaas pa nang higit 7,000 ang bilang ng maitatalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa isang panayam sinabi ni Dr. Mario Panaligan, presidente ng Philippine College of Physicians (PCP), na nakaka-apekto pa rin sa increasing trend ang backlogs at incubation period ng sakit.

Hindi sang-ayon ang doktor sa pahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na nagsabing natapyasan ng kalahati ang tinatamaan ng COVID-19 sa bansa mula nang ipatupad ang modified enhanced community quarantine sa ilang lugar.

Ani Panaligan, hindi pa lumulutang ang epekto ng MECQ kaya maaga pa para sabihing may epekto na ang lockdown sa transmission ng sakit.

Paglilinaw ng PCP president, balewala ang ipinatutupad ngayon na community quarantine kung hindi rin magiging disiplinado ang bawat isa sa pagsunod ng minimum health standard.

Nanawagan ang doktor sa mga ahensya ng gobyerno na magtulungan. May ilan daw kasing lokal na pamahalaan na hindi sumusunod sa utos ng Department of Health (DOH).

Ayon sa DOH, wala nang backlog sa validation ng confirmed cases dahil natatapos na ng kanilang Data Management Team ang proseso sa loob ng isang araw.

“Currently, the problem is not in the validation of data, but in the inconsistent submission of laboratories of their complete linelists and incomplete and late submission of case data by the disease reporting units.”