-- Advertisements --

Naghain ng resolusyon si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor para paimbestigahan sa Kamara ang panggigipit ng Office of the Solicitor General (OSG) sa National Telecommunications Commission (NTC) kaugnay sa hindi pagbibigay ng provisional authority to operate sa ABS-CBN.

Ayon kay Defensor maaring mag-convene ang Kamara bilang Committee of the Whole para talakayin ang usapin na ito at para mabigyan na rin nang pagkakataon si Solicitor General Jose Calida at mga opisyal ng NTC sa pagpapasara sa ABS-CBN sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Naniniwala ang kongresista na nagkaroon ng perjury at paglabag sa Graft and Corrupt Practices Act ang OSG at mga opisyal ng NTC.

Inimpluwensyahan kasi aniya ang OSG ang NTC para bumaligtad ito sa pangako sa Kongreso na bibigyan ng provisional authority to operate ang Lopez-led company.

Mababatid pa ayon kay Defensor na naglabas ng legal opinion ang Department of Justice (DOJ), at gumawa ng resolusyon ang Senado, para himukin ang NTC na payagan ang ABS-CBN na makapag-operate habang dinidinig pa ng Kamara ang prangkisa ng naturang kompanya.

Samantala, itinuturing nang “urgent matter” ni Defensor ang pagtalakay sa franchise renewal application ng media giant.

Bukod kasi aniya sa ilang libong manggagawa ang nawalan ng trabaho, mahalaga rin ayon kay Defensor ang kontribusyon ng kompanya sa information dissemination sa gitna ng COVID-19 crisis.

Sa katunayan, nagpatawag aniya ng pagpupulong si Speaker Alan Peter Cayetano sa darating na Lunes para talakayin ang iba pang hakbang na maaring gawin ng Kamara hinggil sa usapin na ito.