KORONADAL CITY – Inaresto ng mga otoridad ang isang most wanted person ng Central Mindanao sa bahagi ng Cotabato City.
Kinilala ang naturang suspek na si Samad Masgal alyas Kumander Madrox.
Ayon kay PDEA-BARMM Director Juvenal Azurin, nahuli si Masgal habang nasa loob ito ng Cotabato Regional and Medical Center.
Ito’y matapos naberipika umano ang text message na natanggap mula sa isang impormante na nasa naturang ospital ang suspek.
Matagal nang hinahanap sa loob ng tatlong taon si Masgal na isang sub-leader ng BIFF na nag-ooperate sa mga border ng North Cotabato at Maguindanao.
Batay sa intelligence report ng militar, nagbibigay umano ng pondo si Masgal para sa ISIS mula sa kaniyang drug trading na negosyo.
Nabatid na nasugatan ito sa isang engkwentro sa Midsayap, North Cotabato dahilan na isinugod ito sa naturang pagamutan at pinutol o in-amputate ang kaniyang kaliwang braso.
Nahaharap ngayon si Masgal ng patong-patong na kaso katulad ng multiple murder, multiple frustrated murder, illegal possession of firearms and explosives at illegal drug peddling.