KORONADAL CITY – Malaki ang posibilidad na magdiriwang ng Eid’l Fitr o ang pagtatapos ng Holy Month of Ramadan ang mahigit 200 pamilya sa evacuation centers sa bayan ng Datu Paglas, Maguindanao.
Ito ang inihayag ni Boy Tucao, Municipal Disaster Risk Reduction and Management officer ng Datu Paglas sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Tocao, ang naturang mga pamilya na itinuturing na “internally displaced persons” (IDPs) ay lumikas kahapon matapos na nagdeploy ang militar ng karagdagang military trucks.
Ito’y dahil sa nagpapatuloy na tensyon na dulot ng bakbakan at operasyon laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters-Karialan Faction.
Sa katunayan, inihanda na ng Datu Paglas local government unit ang mga ayuda galing sa lokal na gobyerno para sa mga IDP .
Karamihan sa mga bakwit ay mula sa tatlong barangay na kinabibilangan ng Barangay Puya, Mangandeg at Damalusay sa nabanggit na bayan.
Ipinasisiguro naman ni Tucao na magiging ligtas ang mga evacuee sa pagdiriwang ng pagtatapos ng isang buwang Ramadan sa kanilang bayan.