Suportado ng Bureau of Immigration ang rekomnendasyon ng Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) na huwag nang suportahan ang mga OFW na naging biktima dati ng human trafficking ngunit ngunit pinipili pa ring umalis ng bansa na walang wastong mga dokumento.
Maalalang ginawa ng nasabing konseho ang naturang rekomendasyon, matapos matukoy na mayroong mga overseas Filipinos na biktima ng trafficking ngunit natulungan ng pamahalaan na maibalik dito sa Pilipinas.
Sa muling pag-alis ng mga ito, ilan sa kanila ang nahuhuli sa mga bansang pinupuntahan.
Nauna ring inirekomenda ng konseho na huwag tulungan ang mga pinoy workers na paulit-ulit na nasasangkot sa mga pekeng kumpanya, kahit ilang beses na rin silang natulungan ng pamahalaan laban sa mga nasabing kumpanya.
Ayon kay Immigration Commisioner Norman Tangsinco, mistulang hindi rin natututo ang ilang mga overseas Filipinos sa likod ng pagtulong ng pamahalaan.
Inihalimbawa ng opisyal ang isang nailigtas na pinay sa Myanmar at napauwi sa Pilipinas.
Ngunit pagdating sa Pilipinas, muli umano siyang nasangkot sa iba pang panloloko, matapos siyang mapabilang sa mga nahuling Pilipino sa kontrobersyal na pagsalakay sa Pasay City kamakailan.