Pinag-aaralan ng gobyerno ang paggamit ng artificial intelligence o AI sa mga proseso ng imigrasyon sa mga paliparan.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), ang pag-tap sa AI ay isinasaalang-alang bilang bahagi ng modernization initiatives nito, na plano nilang ipatupad sa 2024 o 2025.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco, nais ng bansa na makamit o mahabol ang mga teknolohiyang ginagamit na ng ibang bansa dahil hanggang sa kasalukuyan, ang Pilipinas aniya ay nananatiling gumagamit ng “manual”.
Aniya, halimbawa sa Vancouver, Canada, wala ng immigration counters sa departure na kung saan, mula sa check in counter ay deretso na ang mga pasahero sa boarding gate.
Ipinaliwanag ni Tansingco na ang paggamit ng naturang teknolohiya ay hindi nangangahulugan na ang AI immigration officers ay magsasagawa ng screening ng mga pasahero.
Sa ganitong paraan, binanggit niya, ang pagsusuri sa imigrasyon ay magbabawas ng harapang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga pasahero at mga opisyal, na maaaring pumigil sa mga hindi tapat na empleyado sa paggawa ng mga ilegal na gawain.