
Papalakasin pa ng Bureau of Immigration ang kampaniya nito laban sa illegal recruiters.
Nagbabala din si Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco sa mga illegal recruiters sa pagpapadala ng kanilang mga nabibiktima sa ibang bansa bilang mga turista subalit mayroong nakatagong visa para sa employment.
Sa kabila nito, binigyang diin ng BI official ang kakayahan ng BI na iberipika ang mga nakatagong visa gamit ang isang modernong sistema.
Binalaan din ng opisyal ang mga Pilipino na huwag mahulog sa patibong ng iligal na gawain dahil posibleng malagay ang mga ito sa panganib ng exploitation.
Ginawa ng BI ang naturang babala matapos ma-intercept ang mga kaso ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan ang mga biktima ay pinagpapanggap na mga turista na patungo sa Singapore.
Isa sa mga insidente ng human trafficking ay sa 19 anyos na biktimang babae na inisyal ng nagpakilala na empleyado ng lokal na kompaniya subalit ibinunyag nito kalaunan na nalinlang siya na magtrabaho sa isang club resort sa Dubai.
Isa ding 26 anyos na Pinay ang naharang na nagpakilalang negosyante na dadalo sa isang conference sa Singapore subalit isiniwalat kalaunan na mayroon itong hawak na mga kahina-hinalang dokumento na natanggap niya mula sa kaniyang recruiter sa labas ng airport.
Nadiskubre din kalaunan na mayroon itong itinatagong visa para sa United Arab Emirates kung saan na-hire siya bilang waitress.
Ang mga biktima ay ni-refer na sa Inter-agency Council Against Trafficking para sa debriefing at assistance para sa legal action laban sa mga recruiter.









