
Hindi palalagpasin ng Department of Justice (DOJ) ang ilang immigration officials na umano’y kasabwat ng isang Japanese national sa pagnanakaw habang nakakulong ito sa isang Bureau of Immigration detention facility.
Ayon kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, magsasagawa ng imbestigasyon sa mga tauhan ng BI ang kanilang kagawaran hinggil sa naturang usapin.
Ito ay matapos na mapag-alaman ng mga kinauukulan na isa sa dalawang Japanese national na kasalukuyang nasa kustodiya ng nasabing bureau ang malayang nakakagawa ng krimen sa Japan habang nakakulong sa Maynila sa pamamagitan ng encrypted messaging application.
Kinilala ang suspek na si Yuki Watanabe na gumagamit din ng alyas Kenjie Watanabe o Kenji Shimada na naaresto ng mga otoridad sa Pilipinas noong Abril 2021.
Siya ay kilala rin sa palayaw na “Luffy”, isa umanong ringleader ng isang robbery group na responsable sa sunud-sunod na pagnanakaw sa Japan.
Giit ni Remulla, papanagutin ng DOJ ang sinumang indibidwal ang mapapatunayang kasabwat at nagpahintuloy kay Watanabe na magsagawa ng krimen sa loob ng kulungan.
“I will hold them accountable if it is found out that they were operating a criminal enterprise inside, we will hold them accountable,” ani Remulla.
Samantala, ayon sa ulat dahil sa naturang insidente ay mahigpit nang ipinagbawal ng mga otoridad ang paggamit ng kahit anong uri ng communication device sa buong pasilidad ng naturang detention facility.
Sa ngayon ay kinukumpirma pa ng Justice Department sa Japanese government ang totoong pagkakakilanlan ni Watanabe.










