Naka-full force na ang Bureau of Immigration (BI) ngayong papalapit ang dagsa ng mga biyahero para sa 2026 Semana Santa, kung saan libu-libong pasahero ang inaasahang babiyahe pauwi ng kanilang mga probinsya o para magbakasyon.
Ayon sa BI, tinatayang aabot sa 45,000 international departing passengers ang daraan araw-araw sa mga pangunahing paliparan sa bansa sa kasagsagan ng Holy Week exodus.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na nagdagdag na ang ahensya ng mga frontline personnel at support units upang matiyak ang maayos at mabilis na proseso sa mga paliparan.
Pinayuhan din ng BI ang mga pasahero na dumating sa airport nang hindi bababa sa tatlong oras bago ang kanilang flight upang maiwasan ang abala.
Bukod dito, muling pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na libre ang pagpaparehistro sa eTravel platform. Binigyang-diin din nito na ang mga website na naniningil at nagpapanggap na opisyal na eTravel site ng gobyerno ay mga nanloloko o isang fraud site.















