-- Advertisements --

Pinaalalahanan ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ang lahat ng mga prospective foreign workers sa Pilipinas na kumuha ng Tax Identification Number (TIN) sa Bureau of Internal Revenue (BIR) bago mag-apply ng work visa.

Ayon kay Morente, magpapatupad daw sila ng adjustment sa kanilang mga polisiya para suportahan ang BIR at masigurong makolekta ng gobyerno ang buwis mula sa mga banyagang nagtatrabaho sa bansa.

Aniya, lahat daw ng mga foreigners na aplikante sa pagkuha ng working visa ay kailangang kumuha ng TIN.

Dagdag ni Morente, ang BI bilang bahagi ng Inter-Agency Task Force on the Employment of Foreign Nationals ay nakikipag-ugnayan na rin sa BIR, Department of Justice (DoJ), Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang ahensiya ng pamahalaan para pagkasunduan ang rules sa mga foreign workers.
 
Una rito, ni-require din ng BI ang mga nag-a-apply ng work visa na magsumite ng kopya ng kanilang TIN card o ano mang proof of TIN. 

Ang naturang hakbang ng BI ay para siguruhing makokolekta ng BIR ang buwis ng lahat ng mga banyagang nagtatrabaho sa bansa.