Sinuspindi na ng Department of Trade and Industry ang pagbebenta, manufacture, importation, at distribution ng isang brand ng vape sa local market.
Ito ay matapos ang inilibas na preliminary order ng DTI noong Marso 15, 2024 na nag-uutos sa pagpapatigil sa pagbebenta ng mga vape products na gawa ng kumpanyang Flava Corp. nang dahil sa naging mga paglabag nito sa Republic Act No. 11900 o ang Vape Law.
Ayon sa ahensya ito ay dahil sa hindi pagsunod ng naturang kumpanya sa product communication restrictions, kabilang na ang paggamit ng flavor descriptors at mga artista para sa pag-advertise ng mga produkto nito.
Sabi ni DTI Secretary Alfredo Pascual, ang kautusan na Ito ay nagsisilbing babala sa lahat ng mga manufacturers, importers, distributors, at retailers na huwag gagawa ng anumang uri ng mga illegal particular na sa illegal trading ng mga illicit vapes at iba pang violative products.
Samantala, bukod dito ay ipinunto rin ng kalihim ang Section 12 ng Vape Law na nagbabawal sa pagbebenta ng mga vape products sa mga menor de edad, kabilang na ang paggawa ng mga flavored vapes para makapang-akit pa ng mga kabataan sa pagtangkilik dito.
Kung maaalala, kamakailan lang ay tinatayang aabot sa Php4.6-billion na halaga ng smuggled electronic cigarettes o vapes ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa isang warehouses sa Metro Manila.