Umapela ngayon si Benguet Rep. Eric Yap sa mga lokal na negosyante at maging sa mga LGU na bilhin ang oversupply ng gulay mula sa mga magsasaka sa Benguet.
Sinabi ni Yap na muli na namang nahaharap ngayon sa hamon ang mga magsasaka ng kanilang probinsya sa kung saan ibebenta ang sobrang ani ng mga gulay.
Inihayag ng Kongresista na taun-taon na lang ay ganito ang kanilang nagiging problema.
Hiling din ni Yap na bilhin ang mga gulay sa presyo kung saan kikita pa rin ang nga magsasaka.
Kasabay nito nanawagan si Yap sa mga kasamahang mambabatas na dinggin at ipasa na ang ilan sa inihain niyang panukala bilang pangmatagalang solusyon sa naturang problema.
Kabilang dito ang House Bill 316 kung saan aatasan ang mga government institutions gaya ng kulungan at ospital at foodservice establishments (mga restaurant, hotel, resort, catering service, atbp) na direktang bilhin ang ani ng mga magsasaka para sa paghahanda ng pagkain at House Bill 3382 kung saan bibilhin ng LGU ang ani ng mga lokal na magsasaka para sa feeding program at relief operation.
Nagpasalamat naman ang mambabatas duon sa mga indibidwal at grupo na tumutulong sa kanilang mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga produkto.