-- Advertisements --

Nais ngayon ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. na magkaroon ng isang batas laban sa online bashing.

Sa kanyang privilege speech kahapon, sinabi ni Teves na nasobrahan na ang mga Pilipino sa demokrasya at hindi na umano ito tama.

Dagdag pa ng mambabatas na sa tingin niya ay kailangan na ‘tong gawan ng batas dahil nakasasama na aniya ito sa karamihan.

Nilinaw naman ni Teves na hindi niya isinusulong ang paglikha ng batas dahil biktima din ito ng online bashing kundi upang magkaroon ng limitasyon sa sobrang pagkakaroon ng demokrasya.

Samantala, umani naman ng magka-ibang reaksyon ang mga tao batay sa bagong batas na isinusulong ni Teves.

Ayon sa isang netizen na si Junevie Trocio, sang-ayon siya dito sapagkat laganap na ang online bashing sa social media at para din umano ito sa ikakabuti ng lahat upang maiwasan na rin ang gulo.

Ayon naman sa isang netizen na si Wong Mancao, hindi siya sang-ayon sa batas at naniniwala din siyang marami din naman umanong hindi sasang-aayon kung ito man ay maaprubahan.

Matatandaan na si Teves rin ang may akda ng anti-ghosting bill at nag- author din na ipangalan kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Sr. ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).