Nagsagawa ng rescue operations at force evacuation ang Bataan Police Provincial Office sa Barangay San Pablo, Dinalupihan, Bataan, matapos umabot sa tinatayang anim hanggang pitong talampakan ang taas ng baha dahil sa pag-apaw ng ilog.
Dakong alas-7:30 ng gabi noong Agosto 28, 2026, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Bataan PNP sa pangunguna ni Provincial Director PCOL Marites A. Salvadora.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng Joint Police and Barangay BPATs Mobilization Patrol System o JBM Patrol System, katuwang ang mga Barangay Peacekeeping Action Teams o BPATs.
Agad na tinulungan ng mga responder ang mga residenteng apektado ng pagbaha at isinagawa ang force evacuation upang matiyak ang kanilang kaligtasan, lalo na’t mabilis na tumaas ang tubig-baha sa lugar.
Sa kabila ng taas ng baha, naging mabilis at organisado ang pagresponde ng mga awtoridad, dahilan upang ligtas na mailikas ang mga residente sa mas ligtas na lugar.
Wala namang naitalang nasawi sa insidente. Patuloy na nakaantabay ang Bataan PNP at mga katuwang na responder para sa anumang pangangailangan ng mga residente habang mino-monitor ang sitwasyon sa lugar.
















