lIdineklara ng Department of Agriculture (DA) na bird flue free na ang probinsya ng Bataan.
Ito sa bisa ng inilabas na Memorandum Circular No. 39 series of 2022 na may petsang November 14, 2022.
Ayon kay Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, idineklarang bird flu free na ang Bataan matapos na lumabas na negatibo sa influenza type A virus ang resulta ng isinagawang disease monitoring sa 1-kilometer at 7-kilometer surveillance zones na nakapaligid sa apektadong farms.
Ito ay sa resulta na rin ng joint efforts ng mga lokal na pamahalan, DA regional Field office III at Bureau of Animal Industry (BAI) mula sa pagsasagawa ng mga epektibong disease control measures gaya ng paglilinis at disinfection at iba pang quarantine activities.
Sa data naman mula sa BAI, lumalabas na walang kaso ng bird flu ang naitala mula noong October 14 hanggang 20, 2022.
Una rito, naapektuhan ang lalawigan ng highly pathogenic avian influenza subtype H5N1 noong Marso ng kasalukuyang taon matapos na magpositibo sa virus ang isang backyard mallard duck farm.
Liban sa lalawigan ng Bataan, bird flu free na rin ang mga probinsiya ng Camarines Sur at Davao del Sur.










