-- Advertisements --

Usap-usapan ngayon sa social media ang aktor na si Baron Geisler matapos mag-viral ang isang komento ng kanyang asawa na si Jamie Evangelista sa Instagram.

Nag-comment kasi si Jamie sa collaborative Instagram post ni Baron kasama ang isang aesthetic clinic, kung saan makikitang sumasailalim ang aktor sa facial treatment.

Bagama’t agad itong binura, kumalat na ang screenshot ng naturang komento.

Ani Jamie: “Find a drug rehabilitation sponsor who can help you address the root cause of your problems. I doubt a facial can heal that.”

Bukod dito, nagbahagi rin si Jamie ng serye ng cryptic posts sa kanyang Instagram Stories kung saan tinag niya si Baron. Kabilang dito ang mga mensaheng tumatalakay sa accountability at personal growth.

“No one plays the victim better than the one who caused the damage,” ayon sa quote.

“A person’s capacity to change their life is directly linked to how much truth they can face about themselves without running away.”

Dahil dito, maraming netizens ang nag-aalala, lalo na’t hindi lingid sa publiko ang naging bukas na pag-amin ni Baron sa kanyang naging pakikipaglaban sa pagkalulong sa droga at alak.

Nagkaroon din ng mga haka-haka online na maaaring nakaranas muli ng relapse ang aktor. Gayunpaman, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula kina Baron at Jamie tungkol sa naturang espekulasyon.

Sa kabila ng usap-usapan, kapansin-pansing naka-follow pa rin ang mag-asawa sa isa’t isa sa Instagram. Nananatili rin sa kanilang mga social media account ang kanilang mga larawan, kabilang ang mga family photos.

Matatandaang noong Hulyo 2025 ay naging bukas si Baron sa kanyang pinagdaanang laban sa substance abuse.

Ayon sa aktor, nagsimula siyang gumamit ng droga at uminom ng alak sa murang edad dahil sa iba’t ibang personal na karanasan at impluwensya ng kanyang mga kaibigan.

Inamin din niyang may mga pagkakataong gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot bago magtrabaho at kalaunan ay nalulong hindi lamang sa bisyo kundi maging sa pakiramdam ng kapangyarihan at entitlement na dulot ng kanyang kasikatan.

Bago ang kasalukuyang isyu, ilang ulit nang kinilala ni Baron ang malaking papel ng kanyang asawang si Jamie, isang psychologist, sa kanyang patuloy na paggaling at sobriety.

Sa panayam niya noon kay Bianca Gonzalez, sinabi niyang si Jamie ang isa sa mga dahilan kung bakit nananatili siyang grounded bilang asawa, ama, at indibidwal.

Ayon pa kay Baron, tinutulungan siya ng kanyang asawa na mapansin ang mga lumang behavioral patterns na maaaring magdulot ng pagbabalik sa kanyang dating bisyo.

Ikinasal sina Baron at Jamie noong 2019 at biniyayaan ng isang anak na si Talitha noong 2020.