KORONADAL CITY – Ipinasiguro ng DSWD Region 12 na aalisin na sa listahan ng mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries ang barangay official na unang nabunyag na kabilang pa sa mga tumatanggap ng benepisyo mula sa gobyerno.
Ito ang inihayag ni Director Restituto Macuto ng DSWD-12 sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Director Macuto, gagawin nang house to house ang validation sa “Listahanan” o ang listahan ng mga benepisaryo sa buong Socksargen upang masigurong karapat-dapat ang tatanggap ng benepisyo mula sa nabanggit na programa ng gobyerno.
Dagdag pa ni Macuto, bago pa man umano ang kautusan mula kay DSWD Secretary Erwin Tulfo ay nagsagawa na sila ng re-validation sa mahigit 200 libong 4Ps beneficiaries sa buong rehiyon.
Matatandaan na sinuspende ng Quasi Judicial body ng 19th Sangguniang Bayan ng Banga, South Cotabato si Barangay Kagawad Denver Donasco ng Barangay San Vicente matapos na mabunyag na benepisaryo ito ng 4Ps simiula pa noong 2009.
Kasabay nito, nanawagan na rin si Director Macuto sa mga benepisaryo na barangay officials, may kaya at mga kawani ng gobyerno na kusang e-waive na ang kanilang pagiging myembro ng 4Ps upang maging madali ang paglinis na gagawin ng kanilang tanggapan.