CAUAYAN CITY- Sumuko kay Mayor Nhel Montano ng Jones, Isabela ang barangay kapitan na sangkot sa pamamaril sa isang kawani ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Montano, sinabi niya na sumuko sa kanya si Punong Barangay Agustin Labugen ng Payak, Jones, Isabela kaninang madaling araw ilang oras matapos ang pamamaril nito sa isang kawani ng MSWD.
Sa katunayan ay nabigla siya sa pangyayari dahil kapwa malapit sa kaniya ang pamilya ng biktimang si Emerson Mallabo at Pamilya Labugen.
Matapos mabalitaan ang pamamaril ay agad siyang gumawa ng paraan upang makausap ang Punong Barangay kung saan nakipag-ugnayan siya sa mga kaibigan nito upang kumuha ng update.
Batay sa kanyang nakuhang impormasyon, nagtago ang Barangay Kapitan sa kanyang mga kamag-anak upang makalayo dahil nabigla rin sa kaniyang nagawa.
Aniya nagkainitan sina Mallabo at Barangay Kapitan Labugen habang nakikipag inuman ito sa bahay ni Kagawad Viernes dahil isa umano sa kanilang kasama ay nanalo sa jueteng.
Dahil nakausap na niya ang tumakas na kapitan ay kinumbinsi niya itong sumuko dahil marami naman umano ang tutulong sa kaniya kaya sinundo niya ito sa barangay San Salvador, Echague Isabela.
Sa ngayon ay nasa maayos nang kalagayan ang biktimang si Emerson Mallabo subalit sasailalim sa operasyon upang tanggalin ang natirang bala ng kalibre trentay otsong baril habang nasa pangangalaga na rin ng pulisya ang Punong-Barangay.