-- Advertisements --

Nakatakdang sumailalim sa “retooling” ang mga Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) sa buong bansa, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay Interior Usec. Jonathan Malaya, nakipag-ugnayan sila sa National Barangay Operations Office para mapabuti pa ang serbisyo ng BHERTs ngayong COVID-19 pandemic.

“Iba-iba rin kasi ang kapasidad ng mga BHERTs. May mga masigasig, mayroon namang mga kinakapos sa kanilang pagsisilbi. That is the challenge for DILG and DOH (Department of Health) on how to ensure that all BHERTs nationwide are able to deliver the required service to our community.”

Paliwanag ng opisyal, layunin din ng gagawin aktibidad ang mas epektibong responde ng barangay health units sa komunidad.

Aminado ang DILG na may ilang barangay din na nakakapagpabaya sa kanilang tungkulin sa COVID-19 response. Makikita raw ito sa ilang reklamo na kanila na ring natanggap hinggil dito.

Kaya naman nagbabala rin si Malaya ukol sa parusa na maaaring harapin ng BHERTs na bigong mabantayan ang mga aktibong kaso ng sakit sa kanilang lugar.

“We have the authority to make them accountable for dereliction of duty, or simple or grave misconduct, and we can file administrative cases against them if they have been remissed in performing the duties.”

Sa kabila nito, may mga BHERTs naman daw na nakakatanggap ng insentibo mula sa kanilang local government units dahil sa aktibong pagbabantay sa COVID-19 cases.

Ito ay sa kabila rin ng kulang na mga gamit na nakakaapekto sa ginagawa nilang responde sa komunidad at mga kaso ng coronavirus.

“Mayroon tayong reward system and that is base on the LGU. Itong mga BHERTs ay technically from LGUs, they are not formally part of the DILG and national government. We treat them as partners.”