-- Advertisements --

CEBU CITY – Ipinag-utos na ni Cebu City Mayor Edgardo Labella sa City Legal Office na imbestigahan ang isang bar na nag-operate sa Barangay Banilad gayong nasa modified general community quarantine (MGCQ) pa ang lungsod.

Ito’y matapos nilusob ng Cebu City Police ang naturang bar noong Oktubre 9 ng gabi at naabutang nag-iinuman ang mga nasa loob.

Nahuli ang 27 indibidwal kabilang na ang dalawang Japanese, isang Amerikano, dalawang Briton, at isang Australian national.

Iginiit ni Labella na bawal pa ring mag-operate ang mga bar at mga beerhouse dahil sa quarantine restrictions, kahit na lifted na ang liquor ban sa Cebu City.

Batay sa isa sa mga kautusan ng alkalde, pinapayagan naman ang mga kainan na mag-serve ng hanggang sa dalawang baso ng alak bawat kustomer.

Dahil dito, aalamin ni City Attorney Rey Gealon ang business permit ng nasabing bar upang i-revoke kung napatunayan itong may paglabag sa executive order.