-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN- Nagpahayag ng pagkondena ang mga malalaking rice stakeholders sa bansa kabilang na ang Bantay Bigas ukol sa panukala ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno at ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan patungkol sa sampung porsyento hanggang zero tariff sa mga imported na bigas.

Ayon kay Cathy Estavillo, ang Spokesperson ng Bantay Bigas, kasuklam-suklam ang panawagang ito dahil sa ganitong pamamaraan, kahit sino aniyang importer ay pwede ng magpasok ng bigas dahil wala ng dokumentong kakailanganin.

Kung aprubahan man ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang panukala, maaari aniyang ito na ang tuluyang papatay sa industriya ng agrikultura.

Lalo lamang aniya itong makakaapekto sa kita ng mga magsasaka dahil sa halip na sila ang magtakda ng kanilang presyuhan dedepende lamang sila sa kung ano ang utos.

Dagdag pa ni Estavillo na hindi kailanman kaya ng produktong bigas na makipagkumpetensya sa imported na bigas mula sa Thailand at Vietnam sapagkat fully subsidized ito ng kanilang gobyerno.

Giit nito na sa halip na zero tariff ay tanggalin nalang sina Secretary Diokno at Balisacan na silang nangunguna sa pagpapatupad ng neoliberal policies sa ekonomiya.

Samantala kaugnay naman sa ipinatupad na executive order no. 39 o ang price cap, may mga retailers aniyang walang naibebentang regular milled rice at well milled rice dahil mismong ang gobyerno ay aminadong malaking lugi ang naging epekto nito dahil ang pinatawan agad ay ang mga retailers at hindi ang mga wholesalers.

Kinakailangan na talaga aniya ng interbensyon ng gobyerno at ngayon palang ay bilhin na ang ibinebentang palay ng mga magsasaka sa makatarungang presyon na hindi bababa sa P20 per kilo.