-- Advertisements --
bantag1

Hinamon ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag ang kanyang mga akusado na patunayan ang mga paratang laban sa kanya tulad ng pagiging isa sa mga utak sa likod ng pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Nanindigan si Bantag na lahat ng paratang umano laban sa kanya ay gawa-gawa lamang.

Kasalukuyang nahaharap sa dalawang reklamo ng pagpatay si Bantag habang sina dating BuCor Senior Superintendent Ricardo Zulueta na nauugnay naman sa pagkamatay nina Lapid at Villamor ay nahaharap din sa mga reklamong pagpatay.

Kung maaalala, si Percy Lapid ay binaril sa Las Piñas City noong Oktubre 3 habang si Villamor ay namatay naman sa New Bilibid Prison.

Ang autopsy ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun ay nagpakita na ang mga labi ni Villamor ay may “history of asphyxia by plastic bag suffocation”.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa din ang malalimang imbestigasyon sa mga sangkot at nasa likod ng pamamaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid.