Nakahandang harapin ng suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Gerald Bantag ang mga posibleng kasong ibinabato laban sa kaniya upang malinis ang kaniyang pangalan na pinangalanang matermind umano sa pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Inanunsiyo ng abogado ni Bantag na si Atty. Rocky Balisong na makikipagtulungan ang hepe ng BuCor sa naturang kaso at inaantay na rin ng kampo nito ang ilalabas na subpoena.
Dagdag pa ng abogado ng BuCor chief na haharapin niya ang lahat ng ipinupukol na kaso sa kaniya kriminal man o administratibong kaso upang malaman ang buong katotohanan.
Nilinaw ni Balisong na wala pa ring lumalabas na subpoena para kay Bantag na taliwas naman sa mga lumalabas na ulat na naisilbi na umano sa dati nitong address.
Kayat minabuti nito na magtungo sa Department of Justice at nabatid na hawak pa lamang ng panel of prosecutors ang complaint.
Inaantay ng kampo ni Bantag ang naturang subpoena upang mapag-aralan ang mga alegasyon at doon aaksiyon at maghahain ng counter-affidavit.
Muling iginiit ng kampo ni Bantag na hindi nagtatago ang BuCor official dahil wala namang rason para ito’y magtago at wala namang warrant of arrest.
Ayon pa sa abogado ni Bantag, nasa Baguio kahapon si Bantag at hindi lumalabas mula ng masuspendi ito para na rin sa kaniyang seguridad.