Giniit ng nasuspending Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag na hindi siya susuko sakaling mailabas na ang warrant of arrest laban sa kaniya hanggang nananatili sa pwesto si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Subalit tiniyak nitong kaniyang haharapin ang mga ibinabatong kaso laban sa kaniya kasama ang kaniyang mga tagasuporta sa oras na bakantehin ni Remulla ang kaniyang posisyon.
Sinabing dahilan ni Bantag kung bakit ito ang kaniyang kondisyon sa kaniyang pagsuko ay dahil pagtutulungan lamang aniya siya.
Una na ring sinabi ni bantag na nasa peligro ang kaniyang buhay hanggat kontrolado ni Justice Secretary Remulla ang naturang kaso.
Una rito, pinangalanan si Bantag na mastermind umano sa likod ng pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid subalit una na ring itinanggi ito ni Bantag.
Ngayong araw din isinilbi na ang subpoena kay Bantag at sa iba pang personalidad na sangkot sa kaso.