-- Advertisements --

Ikinokonsidera ngayon ng mga awtoridad ang posibleng koneksyon ng umano’y banta sa Senado sa 18 indibidwal na nagpakilalang dating bodyguards ni dating Ako Bicol Party-list Representatives Zaldy Co, na nauna nang iniuugnay sa alegasyon ng kickback sa maanumalyang flood control projects.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian, na sineseryoso ng Senado ang anumang banta sa seguridad, at agad niyang inatasan ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms na makipag-ugnayan sa iba’t ibang intelligence agencies para beripikahin ang impormasyon.

“Lahat ng banta sineseryoso natin… ang priority natin ay safety ng employees, media, members ng Senado at mga senador,” ani Gatchalian.

Dahil dito, inilagay sa heightened security status ang Senado simula noong Hunyo 9. Nagkaroon din ng dalawang araw na remote work setup bilang pag-iingat.

Nabatid na nagmula ang impormasyon sa National Bureau of Investigation, kung saan lumutang ang posibilidad na isang armadong grupo umano ang maaaring magdulot ng kaguluhan sa Senado.

Gayunpaman, kinuwestyon ito ni Senator Alan Peter Cayetano pati na rin ang timing nito, lalo’t may nakatakdang pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee na pangungunahan ng paksyon ni Cayetano.

Nilinaw naman ni acting Senate President Gatchalian na hindi naka-lockdown ang Senado, ngunit nananatiling mahigpit ang seguridad habang isinasagawa ang mga beripikasyon.

Samantala, tiniyak ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms na nakikipag-ugnayan na sila sa mga law enforcement agencies upang patunayan ang sinasabing banta at mapanatili ang kaligtasan sa loob ng Senado.