Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang gobyerno na labanan ang banta ng artificial intelligence (AI) na siyang nagpapalala ng mga kaso ng online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) sa bansa.
Ang pahayag ni Gatchalian ay sa gitna ng pagdiriwang ng National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse ngayong ikalawang linggo ng Pebrero.
Ayon kay Gatchalian, habang patuloy na nagiging moderno ang teknolohiya, nakaka-alarmang patuloy din na nakahahanap ng mga makabagong paraan ang mga nais mang abuso sa mga kabataan.
Mahalaga aniyang tugunan ang mga bantang ito at tiyaking sino mang gumagamit sa internet o teknolohiya upang abusuhin ang mga kabataan ay dapat na managot sa batas.
Magugunitang, sa isang pagdinig sa panukalang 2024 budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT), lumalabas na ang Pilipinas ang pangalawang may pinakamaraming kaso ng online sexual abuse and exploitation of children sa mundo.
Sa parehong pagdinig, nanawagan si Gatchalian ng pinaigting na bilateral relationships sa ibang bansa upang mapalakas ang koordinasyon at komunikasyon sa pagsugpo ng online sexual abuse and exploitation of children.