CENTRAL MINDANAO- Simula nang tamaan ng pandemyang COVID-19 ang bansa ay nasa P1.9 bilyong pondo na ang nailabas ng pamahalaan ng Bangsamoro sa pamamagitan ng Ministry of Finance, Budget and Management (MFBM). Ito ay bahagi lamang ng mga pagsisikap ng pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng sakit sa rehiyon.
Bahagi ng nasabing pondo ay ang P155 milyong suporta ng nasabing pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan na sakop ng BARMM bilang dagdag sa Quick Response Funds (QRF) nito. P1 milyon para sa bawat isa sa 116 munisipyo, P2 milyon para sa bawat isa sa tatlong lungsod, 5 milyon para sa bawat isa sa limang lalawigan, at P8 milyon para sa 63 na mga barangay sa North Cotabato.
Samantalang ang P14 milyon ay nailaan sa Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) at kung saan ay matatandaang nag-abot din ng mga medikal na kagamitan ang pamahalaan.
Kabilang na rin dito ang patuloy na pagpapatayo ng gusali na may kapasidad na 100-bed bilang isolation facility sa Sanitairum, Sultan Kudarat sa pangunguna ni Minister Eduard Uy Guerra ng Ministry of Pulic Works katuwang ang Ministry of Health.
Ayon kay Mohd Asnin Pendatun, ang kalihim ng Gabinete ng BARMM na sya rin’g Spokesperson ng BIATF, galing din umano sa nasabing pondo ang ginamit para sa patuloy at malawak na operasyon ng food at non-food relief sa iba’t ibang lugar sa rehiyon ng Bangsamoro sa pamamagitan ng Opisina ng Punong Ministro, lalo na, ang Project TABANG, BARMM READi at MSSD.